
NASA 47 aspirante sa posisyon ng senador ang tinungkab ng Commission on Elections (Comelec) sa talaan ng mga senatorial candidates na pwedeng lumahok sa May 2025 midterm election.
Ayon sa Comelec, sa kabuuang 183 aspiranteng naghain ng Certificate of Candidacy noong nakalipas na buwan, 47 na hindi pinahintulutan lumahok matapos ang pagsusuri ng poll body.
Anila, pasok sa kategorya ng “nuisance candidates” ang tinanggal sa listahan ng mga kandidato.
Bago pa man lumabas ang talaan ng “nuisance candidates,” una nang nagpahiwatig ang Comelec ng pagsang-ayon na isama na sa balota ang pangalan ng 66 senatorial aspirants.
Paglilinaw ng poll body, ang paglabas ng talaan ng nuisance candidates ay “without prejudice to the decision of the Division or En Banc in the petitions to declare as nuisance candidates filed by the Law Department.”
“To confirm the authority of the Law Department to initiate on behalf of the Commission the motu proprio filing of petitions to declare as nuisance candidates against the named 117 aspirants,” anang Comelec.
Ayon sa Omnibus Election Code, bahagi ng mandato ng Comelec ang sumuri at magpasya kung sino at ilan ang aalisin sa listahan alinsunod sa panuntunan ng ahensya.
Kabilang sa mga batayan ng Comelec para ideklarang nuisance candidate ang isang aspirante ang motibo sa pagtakbo, pangungutya o kasiraan o maging sanhi ng kalituhan sa mga botante sa pamamagitan ng pagkakapareho ng mga pangalan ng mga rehistradong kandidato o sa pamamagitan ng iba pang mga pangyayari o kilos [na] malinaw na nagpapakita na ang aspirante ay hindi seryoso sa pagkandidato.