
HABANG patuloy ang pananabla ng gobyerno ang panawagang dagdag-sahod para sa mga manggagawang Pilipino, bonggang sweldo naman ang isinusulong ng pamahalaan sa likod panukalang Maharlika Investment Fund Bill.
Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng Senado kaugnay ng panukalang Maharlika Investment Bill, partikular na kinuwestyon ni Senador Pia Cayetano ang isang probisyon kung saan binibigyan ng exemption sa umiiral na Salary Standardization Law ang mga fund managers na itatalaga ng Pangulo.
“If I am going to provide for one exemption it will be for health workers,” ani Cayetano, kasabay ng giit na mas angkop unahin ng pamahalaan ang sektor na tinaguriang bayani ng makabagong panahon.
“Hindi ba dapat yun ang unahin natin? Bakit itong fund pwedeng may exemption samantalang yun, pahirapan?”
Samantala, tinanggihan ni Senador Mark Villar ang hiling ni Cayetano na tanggalin ang probisyon hinggil sa exemption ng mga itatalagang fund managers sa Salary Standardization Law.
Katwiran ni Villar, higit na kailangan tumbasan ng mas mataas na sweldo sa mga mangangasiwa ng Maharlika Fund para makasigurong hindi mauuwi sa wala ang pondong ipapasok bilang investment sa mga malalaking negosyo sa iba’t ibangb panig ng mundo.
“We have to lure in the best people who could give the government the best return on its capital.”
Para kay Villar, hindi ang pagbaklas ng ilang probisyon sa Maharlika Fund Bill ang solusyon sa mababang pasahod sa mga manggagawang Pilipino – “Kailangan natin pagyamanin ang ating bayan, kailangan natin ng mga income-generating sources. And sa tingin ko ang Maharlika po ay isang income-generating source para sa gobyerno.”
Kaugnay nito, nanawagan si Cayetano sa mga government owned and controlled corporations na huwag mamuhunan sa Maharlika Fund. Aniya, hindi ‘risk-free’ ang Maharlika.