
SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista, pasahero at mga biyahero, masusing pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng ‘no travel policy’ sa mga lugar na karaniwang binabaha sa tuwing may masamang panahon.
Bukod sa mga binabahang kalsada, target din ni LTO Chief Vigor Mendoza ang implementasyon ng naturang polisiya sa mga landslide-prone area.
Para maisakatuparan ang plano, nakatakda na rin aniyang makipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at local disaster risk reduction management offices para sa talaan ng mga flood at landslide prone areas at pagpapakalat ng impormasyon sa kondisyon ng mga lansangan at ruta ng mga pampublikong sasakyan – partikular sa hanay ng mga pampasadang jeep at bus.
Kasama rin sa naturang polisiya ang pagtatalaga ng mga enforcers sa mga terminal.
“Mas maigi na ma-stranded sa mga terminals kesa naman sa gitna pa ng mga kalsada ma-stranded ang ating mga kababayan. Mas delikado ‘yun.”