DALAWAMPUNG minuto lang ang kinailangan para palusutin sa House Committee on Appropriation ang panukalang 2.3 bilyong 2024 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Sa ginanap na pagdinig ng komite na dinaluhan mismo ni Vice President Sara Duterte, maagap na naghain ng mosyon si Presidential son at tumatayong 1st District Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na tuldukan ang deliberasyon kaugnay ng panukalang pondo ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Katwiran ng batang Marcos, ang mabilis na proseso ay pagpapamalas ng tinawag niyang ‘parliamentary courtesy’ na aniya’y tradisyon sa Kamara.
Hindi na nagawa pang pigilan ng Makabayan bloc ang mosyon na agad kinatigan ng 21 miyembro ng Committee on Appropriations, matapos patayan ng mikropono si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.