HINDI na muna magpapadala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga sundalong Pinoy sa China para magsanay.
Ayon kay AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. sa pagharap niya sa Commission on Appointment (CA), itinigil niya ang military exchange program mula nang hirangin hepe ng hukbong sandatahan.
Isa rin aniyang basehan sa pagpapatigil ng training program para sa palitan ng mga kadete at opisyales ang insidente ng makailang ulit na pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (PCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na magdadala ng supply para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Tiniyak din ni Brawner na wala rin aniyang sundalong Tsino na nagsasanay ngayon sa Pilipinas.
nang tanungin kung ano ang plano ni Brawner sa usapin ng ugnayan ng bansang Pilipinas at China, sinabi ng heneral na higit na angkop ang maingat at mabusising pag-aaral.
Kumbinsido naman ang mga mambabatas na bahagi ng CA sa mga naging tugon ni Brawner.