INATASAN ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na tanggalin ang mga social media posts na may kinalaman sa halalan.
Para kay Comelec Commissioner George Garcia, diskwalipikasyon ang nakaamba sa mga kandidatong hindi tatalima sa aniya’y isang uri ng maagang pangangampanya para sa halalang idaraos sa Oktubre 30.
Partikular na tinukoy ni Garcia ang di umano’y naglipanang socmed posts sa Tiktok, Facebook, Instagram at iba pang social media platforms kung saan aniya nakabalandra ang mukha ng mga tatakbo sa BSKE.
Pag-amin ng Comelec chief, walang kakayahan ang poll body na bantayan ang social media. Gayunpaman, hinikayat ng opisyal ang mga botante – at maging ng mga katunggali sa pwesto na magsumbong sa sandaling may nakitang pabidang social media posts ng mga kandidato.
Paalala pa ni Garcia, Oktubre 19 hanggang 28 pa ang itinakdang panahon ng pangangampanya.
Kabilang rin sa bubusisiin ng Comelec ang pagtakbo sa SK election ng mga kaanak ng mga elected national at local officials.