
MATAPOS bawiin ang kanilang testimonya laban sa inginusong among kongresista, tumugma naman sa apat na suspek ang DNA samples na nakuha sa crime scene kaugnay ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4 sa Bayawan City.
Sa preliminary investigation na ikinasa ng Department of Justice (DOJ), partikular na tinukoy ni Atty. Levito Baligod ang DNA samples nina Eulogia Gonyon Jr., Winrich Isturis, Osmundo Rivero at Rogelio Antipolo Jr., na pawang nahaharap sa kasong murder at frustrated murder, kasama si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr..
Nakuha umano ng mga imbestigador ang mga specimen sa sasakyang ginamit ng mga namaril at sa mga bakas ng dugo na naiwan sa compound ni Governor Degamo. Isinumite ito ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ panel bilang ebidensya.
Paniwala ni Baligod, madidiin pa rin ang mga suspek sa kabila ng ginawang pagbawi sa kanilang testimonya.
Bukod kay Teves, kasama rin sa mga inaakusahan sina Angelo Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia. Nigel Electona, at isang alyas “Gee-Ann, Jie-An”.
Idinagdag pa nito na hindi naman sinamahan ang mga suspek ng kanilang mga abogado na siyang tumulong sa kanila na bumaligtad sa kanilang testimonya. Sa halip, mga abogado pa rin ng Public Attorney’s Office ang nagrepresenta sa kanila.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakaharap ni Pamplona Mayor Janice Degamo ang mga akusado, mula nang bumaliktad sila sa kanilang affidavit.