
SADYANG mahirap isakatuparan para sa Philippine National Police (PNP) ang direktibang pagpuksa sa online sabong, ayon mismo kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.
Gayunpaman, tiniyak ni Acorda na patuloy nilang binabantayan ang operasyon ng iba’t-ibang grupo sa likod ng malawakang e-sabong sa bansa.
“Mayroon pa rin mga e-sabong operations na na-detect natin at ito ay tinutugunan ng ating ACG (Anti-Cybercrime Group), wika ng PNP chief..
Sa datos ng pambansang pulisya, hindi bababa sa 41,000 katao ang naaresto sa 50,000 anti-gambling operations sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo.
Ayon pa sa heneral, mas pinaigting ng ACG ang cyber-patrolling sa hangaring tanggalin ang mga e-sabong websites sa pakikipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang katuwang na ahensya.
Kabilang sa mga hamon na naranasan ng PNP ay ang pag-uusig sa mga suspek sa mga korte – “Nakakaranas tayo ng ilang mga problema sa pagpapatupad dahil may mga problema sa ating mga batas, tulad ng kakulangan sa pagtaya kung tayo ay gagawa ng mga pag-aresto.”
Una nang sinabi ng isang government security official na ang mga operasyon ng e-sabong ay sadyang ginawang pabago-bago para makaiwas sa pagtugis ng pulisya at pag-usig ng batas.
Katunayan aniya, hindi na nagla-live streaming ng talpakan ng e-sabong ang mga e-sabong operator. Limitado lang aniya sa mga sugarol ang access sa kanilang website.
Isa pang hamon sa giyera kontra e-sabong, ani Acorda ang paggamit ng maskara ng mga taong sangkot sa e-sabong.