KANYA-kanyang pabibo ngayon ang mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa hangaring huwag sapitin ang kastigong ipinataw sa 26 na BIR personnel na sinibak sa pwesto.
Ang dahilan – katamaran, kung hindi man sangkot sa katiwalian.
Pag-amin ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., bukod sa 26 empleyado, suspendido rin ang dalawang iba pa matapos makaladkad sa mga katiwalian.
Para kay Lumagui, napapanahon nang linisin ang kawanihan sa paraan ng pagdidisiplina sa mga palyadong empleyado para maibalik ang integridad at propesyonalismo sa ahensya.
“As we transform the BIR into an institution of integrity and excellence, we have removed 26 and suspended 2 erring employees. Keep in mind that you have no business working for the BIR if you fail to meet our standards for Integrity and Professionalism,” wika pa ng BIR chief.
Sinampahan rin ng kasong grave misconduct, serious dishonesty, frequent unauthorized absences, falsification of official documents, gross neglect of duty, insubordination, at absence without official leave (AWOL) ang mga sinibak na BIR personnel.
“We are committed to provide a new BIR to the public. One that has integrity and professionalism,” sabi pa ni Lumagui.