SA sandaling ganap na maging batas, hindi na papatawan ng buwis ng pamahalaan ang mga imported na abono sa lupa at gamot kontra peste sa mga pananim, na kapwa gamit – sukdulang ipangutang ng mga magsasakang Pilipino sa kanilang sakahan.
Sa inihaing Senate Bill 1720 ni Senador Imee Marcos (Fertilizer and Pesticide Tax and Immunity Act), target ng mambabatas bigyan ng kaluwagan ang nasa 11 milyong magsasakang Pilipinong patuloy na iniinda ang mataas na presyo ng fertilizers at pesticides sa merkado.
Sa isang social media post ng isang kritiko ng pamahalaan, pumalo na sa P3,800 kada sako ang presyo ng fertilizer na nabibili lang sa halagang P720 noong nakaraang taon – bagay na sinegundahan ni Marcos na aminadong kaunting pataba at pestisidyo na lang ang ginagamit ng magsasaka sa kanilang taniman dahil na rin sa pagtaas ng presyo.
Ani Marcos, ito rin ang kanyang nakikitang dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang produksyon ng sektor ng agrikultura.
Dagdag pa ng senadora, kahit umabot sa ikawalong ranggo ang Pilipinas sa pinakamalaking producer ng bigas sa buong mundo, pinakamalaki din ang bansa bilang rice importer.
Nitong 2021, umabot sa 2.9 metric tons ng bigas ang inangkat ng Pilipinas mula sa Thailand at Vietnam.
Pagtataya ng United States Department of Agriculture, aabot sa 3.1 metric tons ang aangkating bigas ng Pilipinas mula sa 2022 hanggang 2023.
“While every administration’s priority road map includes food security, the target to attain self-sufficiency in the production of rice remains elusive. Scientific studies show that fertilizers and pesticides play a significant role in boosting up crops’ yield and have been widely used in the country. Unfortunately, prices of these products continue to increase while prices of farm produce, especially on rice, are spiraling down,“ saad sa isang bahagi ng panukala.
Nakatakda sa panukala na hindi papatawan ng local taxes ang pagbebenta ng fertilizer at pestisidyo kabilang ang imposisyon ng value-added tax at customs duties.
“The sale of fertilizers and pesticides to farmers, which includes crop producers, poultry and hog raisers and all other entities engaged in farming, whether corporate or otherwise, shall likewise enjoy zero-rating for value-added tax purposes”
