HINDI pa man ganap na napapanagot ng pamahalaan ang mga sindikato sa likod ng smuggling, profiteering at hoarding ng sibuyas, bawang naman ang pinaniniwalaang minamanipula sa merkado kung saan pumalo na sa P400 ang kada kilo ang bentahan sa mga pamilihang bayan.
Apela ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAF) sa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, maglabas ng direktiba sa Department of Agriculture (DA) na halughugin ang mga bodega ng mga importers na di umano’y nagsisimula na naman kontrolin at diktahan ang presyo sa merkado.
Ayon kay Danilo Fausto na tumatayong presidente ng PCAF, sinasamantala ng mga ganid na negosyante ang kapos na local supply ng bawang.
Sa datos ni Fausto, lumalabas na 93% ng mga binebentang bawang sa mga pamilihan ay inangkat pa sa ibang bansa. Aniya, ang dapat sana’y P90 hanggang P100 kada kilong bentahan ng bawang, pumalo na sa P400 kada kilo sa Metro Manila.
“Yung P400 dito sa Manila, medyo may manipulasyon na yan. Yung bawang, halos karamihan imported dahil napakahina ng ating produksyon ng bawang… malinaw na mina-manipulate na,” litanya ni Fausto.
Karaniwang nangyayari umano ang pagmamahal ng anumang bilihin sa merkado sa tuwing pinapakyaw ng mga negosyante ang produkto para lumikha ng tinatawag na “artificial shortage” na hudyat para itaas nila ang presyo ng in-demand na produkto.
“Kaya tinatawag ko ang pansin ng DA na tingnan na `yung mga warehouse na iyan,” aniya pa.
Aniya, nasa 10,000 tonelada lamang ang produksyon ng bawang sa bansa at nasa 2,500 ektarya lang ang tinataniman nito na karamihan ay sa Ilocos. Mayroon ding nagtatanim ng bawang sa Nueva Ecija, Batanes at Occidental Mindoro ngunit imported aniya ang karamihan ng bawang sa merkado.
“Ang mahirap diyan, pumasok na ang bawang tapos iipitin mo ang supply. Tapos saka bibitawan. `Yan ang price manipulation. P65 lang dito `yan sa amin sa Cabanatuan. May kalokohan `yan.”
