MAKARAANG mairita ang ilang kongresistang dumalo sa isinagawang joint-hearing ng House Committee on Public Accounts at Committee on Suffrage and Electoral Reform sa mababaw na dahilan at halatang pagpapalusot lamang ni Cagayan Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba Villaflor ay inutos ang pagpapakulong sa huli sa custodial facility ng Kamara sa loob ng 10 araw.
Di rin pinalusot si Cagayan Governor Manuel Mamba na inatasang magpaliwanag para makaiwas sa contempt charge dahil sa patuloy nitong pagtanggi na humarap sa isinasagawang Congressional probe.
Sa nakaraang pagdinig, dismayado ang mga mambabatas sa hindi pagpirma ng naturang lady provincial administrator sa travel order ng 10 iba pang opisyal ng naturang lalawigan para sumipot sa joint hearing.
Katwiran ni Villaflor, ang 10 Cagayan province officials, na kinabibilangan nina
Vita Vergara, Catalino Arugay, Maritel Bautista, Kristine Reyes, Ma. Anita Obispo, Amelia Manalo, Rosario Mandac, Heracleo Dumapal, Roselle Buncad, Daisy Baguisi, at Atty. Rogelio Taliping, ay mayroon umanong ‘scheduled activities’ at ilan dito ang pamamahagi diumano ng financial at relief assistance para sa typhoon Egay victims, gayundin ang paggawa ng post-disaster assessment report.
Subalit ayon sa mga nabanggit na opisyal, maaari naman matuloy ang financial at relief assistance distributions kahit wala sila at hindi naman lahat sa kanila ay kasama sa relief operations.
Bunsod nito, agad na ipina-contempt si Villaflor at binigyan naman ng show cause order si Mamba dahil sa pagbalewala ng mga ito sa patawag ng joint-house committee, na pinangasiwaan nina ABANG LINGKOD Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano (chairman, Public Accounts) at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores (vice-chairperson, Suffrage and Electoral Reforms).
Nauna rito, inihain ang House Resolutions (HR) 145 at 146 ni Cagayan Rep. Joseph Lara na humihiling na masiyasat ang ginawa umanong pamamahagi ng diumano’y P1,000 COVID assistance fund, na aabot sa kabuuang P320 million, isang linggo bago ang eleksyon.
Karagdagang Balita
1M BOTANTE BISTADO SA MULTIPLE REGISTRATION
PAOCC SPOX NANAMPAL, SINIBAK NG PALASYO
DEMOLITION JOB KONTRA KAMARA, INALMAHAN