MATAPOS ang pagpapalipat-lipat sa iba’t-ibang bansa para magtago, tuluyan nang nasilo sa bansang Indonesia ang tinaguriang budol king sa likod ng P17-billion casino scam kung saan hindi bababa sa 10,000 negosyante at ordinaryo tao ang naghain ng reklamo.
Kinilala ang suspek sa pangalang Hector Pantollana na di umano’y lider ng sindikato sa likod ng Ponzi-style casino junket operation.
Bukod sa syndicated estafa na isinampa sa lalawigan ng Quezon at Baguio City, nahaharap din sa iba pang kasong kriminal na inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) si Pantollana.
Pasok din sa asuntong paglabag sa Securities Regulation Code at Money Laundering ang Philippine National Esports League, Horizon Players Club, at Team Z na pag-aari ni Pantollana.
Kwento ng mga nasuba, modus ni Pantollana mag-recruit ng mga mamumuhunan gamit ang kontrata ng pautang kung saan nakasaad ang 60 hanggang 111 percent interest kada taon.
Para mas maging kapani-paniwala, inisyuhan ng mga post-dated cheques ang mga biktima.
Wala pang pahayag hinggil sa pagbabalik sa Pilipinas ni Pantollana para harapin ang santambak na kasong nakabinbin sa husgado.
