NI LILY REYES
TUMATAGINTING na P51-bilyong halaga ng iba’t ibang klase ng droga ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula nang manungkulan sa Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022.
Sa datos ng PDEA, pumalo sa P51.14 bilyon ang kabuuang halaga ng shabu, cocaine, ecstasy at marijuana ang narekober sa mahigit 87,000 anti-illegal drug operations na ikinasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kalaboso rin ang nasa 119,000 drug personalities. Sa naturang bilang, mahigit 7,000 suspek ang pasok sa kategorya ng high value target (HVT).
Nasa mahigit 1,200 naman ang nalansag na laboratoryo. Nasa 29,211 sa kabuuang 42,045 barangay sa bansa ang idineklarang drug-cleared.
