NI LOUIE LEGARDA
SA napipintong pag-uwi sa bansa ng Pinay na sentensyado ng parusang kamatayan sa bansang Indonesia, hindi nangangahulugang magiging malaya na si Mary Jane Veloso.
Sa isang panayam, nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagliligtas sa parusang kamatayan ni Veloso ang pakay ng negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
“Well, since I came into office, what we were trying to… what we were working on was tanggalin na siya sa death row, unang-una, to commute her sentence to life,” ayon pa kay Marcos.
Panahon pa aniya ng administrasyon ni dating Indonesian President Joko Widodo hanggang sa termino ni incumbent Indonesian President Prabowo Subianto nakikipag negosasyon ang Pilipinas sa gobyerno ng Indonesia sa kapalaran ng manggagawang Pinay na nasa death row sa loob ng mahigit isang dekada.
Pag-amin ni Marcos, wala naman aniyang balak ang gobyerno ng Indonesia na bitayin si Veloso kaya gumawa ng paraan ang pamahalaan para makabalik sa Pilipinas ang Pinay death convict.
“But as I said, we have been working on this… for all the previous presidents, hindi lang ako. 10 years na ito. Pero ang nagawa natin napa-commute natin ang sentensya niya from death sentence to life imprisonment,” ani Marcos.
Gayunpaman, tiniyak ni Marcos na pag-iisipan mabuti ang panawagan clemency o presidential pardon sa sandaling nakabalik na sa bansa si Veloso.
“We will see. We will see. Hindi pa maliwanag kung ano ba talaga ang… this is the first time this has happened. So everything is on the table,” dugtong ng Pangulo.
Una nang nanawagan kay Marcos ang abogado ni Veloso.
“Yung legal jurisdiction, idinidiin nga ng Indonesia ay nasa kanila kasi yung kaso ay doon nangyari, doon nagkaroon ng conviction. Ang inilipat lamang ay physical custody pero sinabi na ng ministro nila [Indonesia] sa isang pahayag na kapag inilipat na yung prisoner… yung responsibilidad sa rehabilitasyon at mga pagpapasya o desisyon kung magbibigay man ng remission or klemensiya ay pinapasa na sa pinuno ng bansang Pilipinas,” pahayag ni Atty. Edre Olalia.
