IKATUTUWA ng prosekusyon kung gagamitin ng depensa sa impeachment trial ang mismong nasasakdal na si Vice President Sara Duterte bilang  testigo.

Pagbibigay-diin ni House impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers, matagal na nilang panawagan ng sambayanan ang pagharap at direktang sagot ng bise presidente sa mga kinakaharap na alegasyon.

“‘Yan nga ang aming sinasabi noon pa, para kung may pagkakataon na imbitahan at siya (Duterte) mismo ang sumagot sa mga allegations thrown against her, eh mas maganda,” wika ni Barbers.

“Kung ipipresenta nila ang Pangalawang Pangulo bilang kanilang witness, eh preparado ang prosecution to cross,” dugtong ng dating kinatawan sa Kamara ng Surigao del Norte.

Ayon kay Barbers, sa ngayon ay patuloy ang preparasyon ng House at private prosecutors sa magiging presentasyon ng defense at handa rin aniya ang mga tagausig na busisiin anumang ebidensiyang ipiprinsinta sa impeachment court ng mga abogado ng bise presidente.

Sa panig ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, sinabi niyang maaaring usisain nila sa ilang defense witness ang mansion at iba pang ari-ariang iniuugnay kay Duterte.

Ani Ridon, bukod sa resort-like property sa Brgy. Catigan, Davao City, na idineklara lamang ng bise presidente sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito bilang agriculture lands lamang, bubusisiin din maging ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) na ari-arian ng pamilya Duterte.

“Kasama rito si Congressman Paolo Duterte, kasama rito ‘yung pagmamay-ari na ina-identify ng [NBI] na pag-aari mismo ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte,” sabi pa ni Ridon.

Samantala, hinamon ng Bicol Saro PL lawmaker ang bise presidente na ipaliwanag kung bakit wala sa 2023 SALN nito ang mahigit sa P100 million na bank deposits, investments at insurance holdings.

“Kasi again, going back to what we had seen during the presentation of evidence, for example, for 2023, hindi umaabot ng 18 million [pesos] po ‘yung SALN ng Pangalawang Pangulo,” giit ni Ridon. 

Gayundin ang hindi pagdedeklara ni Duterte ng cash on hand o in banks sa SALNs nito mula sa taong 2022 hanggang 2025 sa kabila nang nalantad na bank transactions at records ng huli.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *