
ASAHAN sa mga susunod na araw ang pagsulpot ng mga pulis sa lansangan matapos ihayag ng Commission on Elections (Comelec) ang paglalagay ng mga checkpoint bilang bahagi ng paghahanda ng nalalapit na midterm election sa Mayo.
Bukod sa paglalatag ng checkpoint, arangkada na rin ang nationwide gun ban sa pagsisimula ng election period sa Enero 11.
“Ibig sabihin, ganoon din kahaba ang checkpoint,” wika ni Comelec chairman George Garcia.
Gayunpaman, nilinaw ng Comelec chief na mahigpit na ipatutupad ang “plain view doctrine” sa mga checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Ang ibig pong sabihin, kailangan lamang ng mga motorista na ibaba ang kanilang mga bintana at buksan ang mga ilaw sa loob ng kanilang mga sasakyan kapag dumadaan sa mga checkpoint,” aniya.