MARAMING kakataying confidential and intelligence fund (CIF) ang Senado sa pagdinig sa P5.768 trilyon budget sa 2024.
Gayunman, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tatapusin nila ang pagdinig bago matapos ang 2023.
Ayon kay Zubiri, patuloy pa rin ang pagdinig ng Senate committee on finance sa panukalang budget ng mga ahensiya ng gobyerno upang masiguro na sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Nobyembre 6 ay mauumpisahan na ang plenary debate sa panukala.
Sa Nobyembre rin iaakyat ng Kamara de Representantes sa Senado ang General Appropriations Bill (GAB) kung saan tanggal na ang CIF ng mga ahensiya ng gobyerno.
Sa unang linggo ng Disyembre maaaring maratipikahan ng Senado at Kamara ang GAB.
“Maybe by December 8, 9, 10 ma-ratify na natin iyan at maipasa na natin sa Malacañang for the signature of the president,” wika ni Zubiri.
“Naka-schedule na po kami na maipasa ang national budget by the end of the year, December, para mapirmahan na ng ating pangulo bago magbagong taon,” pagtiyak ni Zubiri.