POSIBLENG alisin na ang price ceiling sa milled rice na ipinatutupad ngayon dahil nakatulong na ito nang malaki upang maibaba ang presyo ng bigas, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Nilagdaan noong Agosto 31 ang Executive Order No. 39 kung saan ibinaba ang presyo ng bigas sa P41 para sa regular milled rice at well-milled rice naman sa P45.
Sinabi ni Balisacan na inaasahan na ang pagtanggal sa price ceiling dahil hindi rin umano maganda sa ekonomiya ng bansa ang pananatili sa ganoong presyo.
“Ito ay short term lamang, temporary measure,” sabi ni Balisacan sa panayam ng ANC.
Sinabi ni Balisacan na maging ang Pangulo ay alam ang peligrong dulot ng price cap kung pangmatagalan itong ipatutupad.
“He just has to be assured, to see the data, that the [needed policy] tools are used to protect the consumers, especially the vulnerable sectors,” ayon pa sa NEDA chair.
Idinagdag nito na maging ang mga bansang China o Vietnam ay hindi rin nagpapatupad ng price caps.
Gayunman, ang pagpapatupad ng EO 39 ay nagagamit bilang tugon sa pansamantalang isyu sa lokal na rice market. “When the inflation number for rice in the month of September comes out [next week], that number is expected to be lower than it would have without price caps,” ayon pa kay Balisacan.