
POSIBLENG pumalo sa 611 ang kaso ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng susunod na buwan, ayon sa Department of Health (DOH).
“As of April 9, 2023, sumatotal 378 ang ating severe and critical cases na bumubuo sa 10.22% ng ating total admissions, remaining to be less than 20% of our total COVID-19 admissions since January of 2022,” ayon kay Health Secretary Rosario Vergeire.
Sa datos ng DOH, inaasahang aabot sa 122 arawang kasso ng mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 ang maitatala sa National Capital Region (NCR).
Nang tanungin ang departamento kung ano ang batayan ng datos, ibinase di umano ang pagtataya gamit ang Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance Using Spatiotemporal Epidemiological Modeler (FASSSTER) – paraang gamit ng mga matematiko, tulad ng mga dalubhasa sa likod ng Octa Research Group.
Sa ilalim ng naturang mekanismo, ginagamit na pamantayan ang naitalang hawaan, dami ng mga hindi pa bakunado, at pagtalima sa itinakdang minimum public health safety protocols.
Bukod sa Metro Manila, pasok din sa nakikitaan ng pagsipa ng arawang kaso ng COVID-19 ang Benguet, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Isabela, Misamis Oriental, Negros Occidental, Palawan, Rizal at South Cotabato.
Maging ang World Health Organization (WHO), nagpahayag ng agam-agam sa mga naturang lugar kung saan nakapagtala ng higit pa sa 5% positivity rate benchmark.
Bago pa man naglabas ng kalatas ang DOH, nagbabala rin ang Octa hinggil sa anila’y pagtaas ng positivity rate. Sa Metro Manila pa lang anila, nasa 6.5% na ang COVID-9 positivity rate (antas ng mga kumpirmadong positibo mula sa hanay ng mga sumailalim sa pagsusuri).
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakakabahala ang ang naitalang positivity rate sa NCR, kung saan aniya nakita ang mabilis na pagdami ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Katunayan aniya, mula sa 4.4% na naitala noong Abril 1, humataw sa 6.5% ang positivity rate noong Abril 8 ng kasalukuyang taon.