MATAPOS ang anim na buwan mula ng gulantangin ng isang insidente ang sektor ng pamamahayag, inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court ang warrant of arrest laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag kaugnay ng pamamaslang sa batikang komentaristang si Percy Lapid.
Bukod kay Bantag, sapul din sa mandamiento de arresto para sa two counts ng kasong murder si dating BuCor deputy chief Ricardo Zulueta na iniuugnay rin sa pagpatay sa mga presong pinaniniwalaang nag-utos na patayin ang si Lapid at ang presong si Cristito Palana Villamor (alyas Jun Villamor) na di umano’y kumontak sa mga bayarang salarin.
Kinatigan ng husgado ang pag-amin ng sumukong gunman na si Joel Escorial na nagturo naman sa iba pang kasapakat sa krimen – kabilang si Villamor na pinatay ng mga kapwa presong nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) facility matapos ang isinapublikong paglutang ng salarin.
Oktubre 3 ng nakalipas na taon nang paslangin sa Las Pinas si Lapid na higit na kilala sa walang takot na komentaryo.
