
SA sandaling pormal na wakasan ng Palasyo ang State of Public Health Emergency na idineklara ng nagdaang Pangulo bunsod ng banta ng pandemya, mawawala na rin ang buwanang allowance ng mga healthcare workers.
“Pag natapos ang state of public health emergency, titigil na itong mga health emergency allowance kasi doon nakatali ang mga benepisyo na ‘yan. But your hazard pay and the other benefits that are given to you would still continue,” pag-amin ni Health Secretary Rosario Vergeire.
Gayunpaman, nilinaw ni Vergeire na patuloy na naghahanap ang Department of Health (DOH) ng pwedeng paghugutan ng pondo sa hangaring patuloy na mabigyan ng benepisyo ang sektor na tinaguriang bagong bayani sa kasagsagan ng pandemya.
Buwan ng Marso 2020 nang ideklara ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency bunsod ng malawakang peligrong dala ng nakamamatay na COVID-19 – isang mabagsik na mikrobyong nagmula sa bansang China.
Paglilinaw pa ng Kalihim, maari lamang wakasan ang state of public health emergency kung kung mananatili sa ‘manageable level’ ang paglaganap ng nakakamatay na karamdaman – at kung matitiyak ng pamahalaan na maluwag ang mga pagamutan.
Para kay Vergeire, hindi malayong wakasan na rin ng Pilipinas ang state of public health emergency – tulad ng ginawa ng Estados Unidos kamakailan.
Subalit di naman aniya pwedeng madaliin ng gobyerno ng Pilipinas ang pagtanggal ng state of public health emergency hangga’t hindi pa ganap na nailalatag ang isang matibay na healthcare system.
“Darating ang panahon na wawakasan ang state of public health emergency pero kailangan lahat ay nakaayos na.”