BINUWELTAHAN ni dating Senador Antonio Trillanes ang mga dating sundalong nagdawit sa kanya sa “maleta scandal.”
Sa punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ), personal na inihain ni Trillanes ang kasong cyberlibel laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang mga dating sundalo.
Una nang kinaladkad ng 18 ex-Marines ang dating senador na umano’y tumanggap ng pera mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Trillanes, malinaw na paninira lamang umano ang alegasyon ng mga dating sundalo.
Bukod sa 18 ex-sundalo, swak din sa asunto ang isang television news station na kinasangkapan sa paglalabas ng aniya’y kasinungalingan.
Samantala, ibinahagi ng dating mambabatas na lima sa 18 ex-marines ang umamin sa kanya na inalok umano sila ng pera kapalit ng pagsira sa kanyang pangalan.
May ilan din aniyang inaasahang babaliktad at babawiin ang mga binitiwan nilang alegasyon hinggil sa opisyal at mga dating politiko na tumanggap ng pera mula sa ICC.
