
Ni ESTONG REYES
TINIYAK ni Senador Lito Lapid na mananagot ang sinumang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na responsable sa pagkasira ng biniling bakuna ng pamahalaan sa hangarin makontrol ang pagkakalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Ayon kay Lapid, binabalangkas na niya ang isang senate resolution na naglalayong atasan ang Senate committee on agriculture na imbestigahan ang aniya’y kapabayaan jaya nasalang na lang ang bakuna kontra ASF na pinagkagastusan ng pamahalaan.
“Dapat malaman mula sa Department of Agriculture kung bakit napabayaan lang na mag-expire ang ASF vaccines na dapat sana ay naipamahagi na at nakapigil sa pagkalat pa ng virus sa mga alagang baboy sa iba’t-ibang probinsya,” aniya.
Isinulong ni Lapid ang imbestigasyon matapos ang paglaganap ng ASF sa mga lalawigan ng Batangas at Occidental Mindoro na nag susupply ng malaking bahagi ng supply ng baboy na binebenta sa merkado.
“Dapat matukoy kung sinong opisyal ng DA ang dapat mapanagot sa pagkasira ng bakuna na binili sa ibang bansa,” ani Lapid.
Bagamat sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na hindi na kailangan pang magdeklara ng state of national calamity dulot ng epidemya, iginiit ng mambabatas na dapat matiyak pa rin ang suplay ng mga baboy sa mga pamilihan lalo pa’t nakaamba na ang mataas na supply bunsod ng papalapit na kapaskuhan.
Hinimok din ni Lapid ang pamahalaan na maglaan ng dagdag na pondo ang pambili ng ASF vaccines saka agad ipamahagi sa lugar na kailangan ng kagyat na tulong upang mapuksa ang epidemya sa bansa.
“Nangangamba po tayo na kung hindi agad maagapan ang ASF epidemic ay tiyak na kakalat pa ito sa ibang lugar at inaasahan na magkakaroon ng krisis sa suplay ng baboy sa bansa,” dagdag ni Lapid, miyembro ng Senate Committee on Agriculture and Food.