
MULA sa kasalukuyang 26,000 kataong pwersa sa karagatan, nasa 4,000 tauhan ang nakatakdang madagdag sa hanay ng Philippine Coast Guard (PCG) na inatasang magpatrolya sa karagatang sakop ng bansang Pilipinas.
Sa kumpas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inaprubahan ang pagpapalawig ng pwersa ng mga Pilipinong bantay-dagat – bagay na ikinalugod naman ng pamunuan ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, malaking bentahe para sa manipis na hanay ng mga bantay-dagat ang kalatas ng Pangulo.
Bukod sa dagdag-tauhan, kinatigan rin ng Pangulo ang agarang modernisasyon ng PCG kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa isinusulong na PCG Modernization Program, na ayon kay Tarriela ay magbibigay-daan para sa nabalam ng asset acquisition.
Partikular ni tinukoy ni Tarriela ang kakulangan ng PCG sa offshore patrol vessels, karagdagang aircraft, at Maritime Domain Awareness sa mga baybaying bahagi ng kapuluan.
Kailangan din aniya nila ng mabisang coast guard response base at berthing spaces.
Ayon pa sa tagapagsalita ng pwersang bantay-dagat, nakikidaong lang sila sa mga pantalan sa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Ports Authority.
Higit na kailangan rin aniya nila ang mabilis na pangresponde sa tawag ng saklolo ng mga mamamalakayang Pinoy sa West Philippine Sea.