HABAMBUHAY na bakasyon sa bilangguan ang hatol ng husgado sa Colorado, USA para sa Amerikanong napatunayan ng walang bahid alinlangan na pumatay sa kanyang 28-anyos na asawang Pinay.
Bukod sa reclusion perpetua na kalakip ng guilty verdict, bahagi rin ng pasya ng korte ang pagkakait ng parol para kay Dane Kallungi na pumaslang kay Jepsy Amaga, isang Filipino national, apat na taon na ang nakalipas.
Batay sa rekord ng husgado, sabit din si Kallungi sa kasong ‘tampering with a human body’ ng asawang hanggang sa lumabas ang hatol ay hindi pa rin nakikita.
Marso 2019 nang unang lumabas ang balita sa pagkawala ni Amaga, hudyat para sa pulisya na imbestigahan ang kaso.
Sa mga panahon ng pagsisiyasat, nagtago umano ang noo’y suspek na Kano hanggang sa madakip siya sa New Mexico.
Sa gitna ng interogasyon, umamin si Kallungi na sinakal niya hanggang sa mamatay ang kabiyak na Pinay na itinapon niya kung saan.
Sa testimonya ng mga kaanak, nagawa pa umanong magsumbong ng biktima sa pananakit ng asawang Kano.