NASA kritikal na kalagayan ang isang negosyante at kasamang driver matapos tambangan ng dalawang armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo sa Quezon City, kaninang hapon.
Sa inisyal na ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang biktima ng pananambang na si Perry Mariano, na dating presidente ng Association of Club, Karaoke, Disco Owners Operators (ACKDO).
Bukod kay Soriano, sugatan din ang hindi pinangalanang driver.
Ayon sa imbestigasyon, binabagtas ni Mariano at kasamang driver ang ang kahabaan ng Timog Avenue nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem na agad nagpaulan ng bala sa puting SUV na sinasakyan ng mga biktima, dakong alas 3:00 ng hapon hindi kalayuan sa panulukan ng EDSA.
Nang makitang kapwa duguan ang sakay ng SUV, mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Cubao. Agad naman isinugod sa East Avenue Medical Center sina Mariano at kasamang driver.
Patuloy na nag-iimbestiga ang pulisya sa hangaring matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin. Sinusuri na rin ang mga CCTV sa naturang lugar.
Sa mga nakalipas na taon, higit na nakilala si Mariano sa pagtuklas ng mga Pinoy na may talento sa paglalaro ng bilyar sa ilalim ng Bugsy Promotions and Lucky Break.
Kamakailan lamang ay itinatag din ni Mariano ang Pinag-isang Mamamayan ng Quezon City (PMQC) upang maging daan para maipaabot sa lokal na pamahalaan ang hinaing ng maralitang pamilya sa lungsod.
