PATAYAN fever na naman ba? Kabi-kabila ang itinutumbang elected officials dahil sa loob lamang ng isang linggo, inambush si Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur sa Pasay; Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong noong Pebrero 17 at Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero 19.
Dahil nga sa sunud-sunod na pag-atake sa mga elected officials, tila gustong pabilisin din ng hanay ng pulisya ang kanilang pag-aksyon ukol dito.
Ipinag- inutos mismo ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang pagsusuri at assessment sa mga posibleng pagbabanta ng mga lokal na opisyal.
Marami tuloy katanungan ang naglulumikot sa isip ng ating mga kababayan. Yung mga may posibleng may banta sa buhay lang ba ang susuriin? Yung nagbabanta, paano? Yung salarin paano pipigilan?
Tila marami na rin ang nakakapansin na parang nagsisimula na namang maglabasan sa kanilang mga lungga ang mga kriminal.
Pero teka, para hindi tayo mauwi sa paghihinala, tiningnan natin itong ulat ng website na Statista na nagsasabi na mula nang pagpasok ng taong 2023 ay may 30,000 krimen na umano ang naganap sa bansa. Ang pinakamaraming krimen ay naganap sa National Capital Region, sinundan ng Region 4-A.
Pero lilinawin natin na ang mga krimen, hindi ito puro patayan.
Balikan natin yung isyu ng mga may banta umano sa buhay na bibigyan daw ng proteksyon ng PNP. Sa regulasyon ng pulisya, binibigyan ng PNP Police Security and Protection Group (PSPG) ng dalawang police escorts ang mga pulitiko at iba pang personalidad na may pagbabanta sa buhay.
Kung walang matinding banta sa buhay ang seguridad ng elected official, ang mga local police ang magbibigay ng seguridad.
Minsan mapapaisip ka rin eh, karaniwan ang mga nag-uumpugang pulitiko ang nagpapalitan ng banta sa isa’t-isa tapos ang ilalagay sa peligro ay ang mga pulis.
O kaya naman, kaya malakas ang mga loob at tapang-tapangan na magbarilan eh dahil parehong may proteksyon dahil kapwa may banta diumano sa mga buhay!
Kaya itong mga pulis na sa halip na kasiguraduhan at kapayapaan ng mga mamamayan nagmimistula na tuloy bodyguard ng mga pulitiko!
Kaya ang magkakabaro puwede bang magpalitan ng putok para sa kani-kanilang pinoprotektahan elected at appointed officials?
Paalala lang, nalalapit na naman ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, siguradong marami na naman ang magdedeklara dyan na may banta sa kanilang buhay. Pag-aralang mabuti ito ng PNP dahil ayon mismo sa inyo ay kulang na kulang ang inyong bilang para maayos na magampanan ang tungkulin lalo na ang pagpapanatili ng kapayapaan.
Baka taumbayan ang maubusan ng proteksyon?
Hindi bodyguard ang pulisya ng pulitiko, ang taumbayan pa rin ang dapat nilang proteksyunan at pagsilbihan.
Dapat PNP ang magtatanggol at hindi pulis ang nagsisimulang magpakabog sa dibdib ng mamamayan.
Dapat ang isinisigaw ay “pulis pulis saklolo!” at hindi, “saklolo, saklolo may pulis!”