HINDI pa man ganap na nagsisimula ang pananalasa ng tinatawag na El Niño phenomenon, pumalo na sa nakamamatay na antas ang alinsangan sa dalawang lalawigan.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pagtatala ng 46°C heat index sa Puerto Princesa City, Palawan at Dagupan City, Pangasinan.
Babala ng Pagasa, pasok na sa kategorya ng “extremely dangerous heat index” ang 46°C na naranasan sa mga nabanggit na lalawigan.
Bukod sa Palawan at Pangasinan, nakaranas din umano ng matinding init ang 14 iba pang lugar sa bansa na pasok sa kategoryang “danger level”.
Sa panuntunan ng Pagasa, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay lubhang mapanganib lalo na sa mga may edad at may komplikasyon. Mataas din anila ang posibilidad ng pagkakaroon ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Samantala, tiniyak ng Malacañang ang kahandaan ng pamahalaan sa epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang dahilan para mabahala ang mga magsasaka lalo pa aniya’t hindi na bago ang El Niño.
Nagpahayag din ng kumpyansa si castro na alam na ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) ang mga gagawin para hindi gaanong maapektuhan ang mga magsasaka.
“Ang El Niño ay nararanasan natin, hindi na ito bago kaya handa ang DA sa mga konkretong measures para ito ay maagapan,” ani Castro.
