SA ikatlong pagkakataon, muling papatawan ng dagdag-presyo ang gasolina habang baryang rollback naman ang inaasahan sa presyo kada litro ng krudo at kerosene.
Sa magkabukod na anunsyong inilabas ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., papalo sa 45 sentimos ang inaasahang pagtaas kada litro ng gasolina habang 60 sentimos naman ang rollback sa krudo na karaniwang gamit ng mga pampublikong sasakyan.
Bababa din anila ng P1.05 ang presyo kada litro ng kerosene na ginagamit namann ng pangkaraniwang pamilyang Pilipino sa pagluluto ng pagkain.
Magkakabisa ang bagong presyo ng mga petrolyo sa hudyat ng alas 6:00 ng umaga bukas (Martes, Abril 2).
Nito lamang nakalipas ng linggo nang magpataw ang mga kumpanya ng langis ng karagdagang P2.20 kada litro sa gasolina, P1.40 sa krudo at P1.30 sa kerosene.
