Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa mga prominenteng lider ng Kamara, higit na makabubuti pagtuunan na lamang ng pansin ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang makapagbigay ng solusyon o rekomendasyon kung paano tutugunan ng Pilipinas ang lumalalang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) sa halip na managawan para magbitiw sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasabay ng pahayag ng suporta sa pamunuan ng Kamara, partikular na tinukoy ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin panawagan ni Alvarez para sa pagbaba sa pwesto ng Punong Ehekutibo bunsod ng aniya’y kabiguan ng administrasyon ipaglaban ang soberanya ng bansa laban sa China.
“Maybe it would be a good contribution by the former Speaker to put forward solutions. Ano ba ang pwedeng solusyon dito sa dispute na ito? Ano ba ang dapat gawin instead of calling for a resignation? Because that [call for] resignation will not really solve the problem,” wika ng ranking lady House official.
Kinuwestyon din ng Iloilo province lawmaker ang basehan ni Alvarez para hilingin ang pagbibitiw sa pwesto ni Marcos kung saan iginiit niyang wala itong katuturan dahil ang kapangyarihan para magluklok o magtanggal ng isang opisyal ng pamahalaan ay nasa kamay ng sambayanan Pilipino sa pamamagitan ng isang halalan o kaya’y impeachment proceedings.
“Iyong isang tao kapag binoto ng tao, ang makakatanggal sa kanya ay ang sambayanang Pilipino rin. It’s not fair for one person to call on the President to resign specifically if you cannot pinpoint the specific lapses,” tigas na sabi pa ni Garin.
Paalala ng lady solon, ang isang mabigat na isyu tulad ng mahigpit na agawan sa WPS ay hindi ganoong kadaling resolbahin lalo ng isang pangulo.
Subalit tiwala si Garin sa pagsisikap ng Marcos administration na bigyang prayoridad at siguruhing ibayong mapoprotektahan ang teritoryo ng bansa, nakikita naman na nagbubunga na rin ito ng positibong resulta.
“What is important is that we are seeing concrete steps. The leadership of our country will not yield even an inch of our territory. ‘Yung passion, determination, and commitment na ‘yan, that is what is important,” ayon pa sa kongresista.
Samantala, naniniwala ang ilang House leaders na ang banat ni Alvarez ay may kaugnayan pa rin sa pagpipilit ng kampo ng huli na maagang mailuklok sa Malakanyang si Vice President Sara Duterte at pagpapakita na rin ng pro-China stance nito sa halip na manindigan para protektahan ang interes ng bansa at ng buong mamamayang Pilipino.
