SIBAK na sa pwesto, tanggal pa pati lisensya sa pagiging abogado.
Ito ang kinahinatnan ni Atty. Jorge Monroy matapos napatunayang nagkasala bunsod ng pagbebenta ng mga smuggled na sasakyan sa ilalim ng kustodiya ng kawanihan.
Sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema, hinatulang guilty si Monroy ng paglabag sa Canon II, Sections 1, 2, at 28 ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA). Kalakip ng desisyon ang disbarment order matapos magpanggap bilang Director III ng Bureau of Customs (BOC) – Financial Services.
Ayon sa Korte Suprema, ginamit ni Monroy ang posisyon sa BOC sa detalyadong pamamaraan ng panloloko kung saan nagpanggap di umano ang abogado na awtorisadong magbenta ng mga smuggled vehicles na nasa kustodiya ng BOC.
Bukod sa disbarment, inatasan din ng Korte Suprema si Monroy na magbayad ng ₱20,000 multa dahil sa pagsuway sa kautusan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Batay sa rekord ng husgado, Hulyo ng taong 2000 nang alukin ni Monroy ang isang Julieta L. Co ng Toyota Land Cruiser sa halagang ₱1.4 million. Tiniyak pa ni Monroy na legal ang magiging transaksyon at makapag-iisyu pa umano ng resibo ang BOC.
Dahil sa matagal na naman umano silang magkakilala, nagtiwala si Co at bumitaw ng paunang ₱150,000 at ₱1,250,000 na inabot kay Monroy pagkatapos ng tatlong araw sa loob mismo ng kanyang tanggapan.
Subalit lumipas ang mga buwan, hindi na nakuha ng biktima ang binayarang sasakyan. Katwiran ni Monroy, may ibang tumangay ng pera ng biktima.
“Monroy used his position as a BOC Director to make it appear that the transaction was legitimate by falsely representing to the complainant that his position in the BOC had the specific authority to sell vehicles seized by the agency. He carried out the transaction inside his office at the BOC and engaged the participation of his staff members to gain the complainant’s trust. He then conveniently claimed that the PHP 1.4 million paid by complainant for the vehicle was taken from his office, and refused to return the amount.”
