HANDANG handa na Civil Service Commission (CSC) pangasiwaan ang nalalapit na Career Service Examination – Pen and Paper Test sa Marso 3, 2024.
Sa isang pahayag ni CSC Chairperson Karlo Nograles, pwede na rin umano mabatid ng mga examinees ang mga 16 na itinakdang CSC testing centers kung saan kukuha ng pagsusulit.
Katunayan ani Nograles, naka-upload na sa CSC website ang mga school assignments at maging ang mga mahalagang paalala sa nalalapit na pagsusulit.
Rekomendasyon ni Nograles sa mga examinees, sumangguni sa Examination Advisory No. 4, s. 2024 para iwas-aberya sa takdang petsa ng civil service examination.
“We urge the 361,699 individuals expected to take the CSE-PPT to check and familiarize themselves with their school assignments and Examinee’s Guide available through the Online Notice of School Assignment (ONSA) ahead of time. Ayaw nating masayang ang ating application at pagre-review dahil sa hindi paghahanda at pagdadala ng mga kinakailangang gamit sa araw ng exam,” ani Chairperson Nograles.
Nabatid sa CSC, upang magamit ang ONSA, dapat maipasok ng mga examinees ng tama ang mga kinakailangang impormasyon sa mga itinalagang field ng data, kasunod ng tamang format. Kung sila ay nahihirapan sa pag-access sa ONSA at mananatiling walang kamalayan sa kanilang school assignments isang linggo bago ang petsa ng pagsusulit, pinapayuhan ang mga examinees na direktang magtanong sa CSC Regional o Field Offices ng naturang ahensya.
Binigyang-diin rin ni Chairperson Nograles ang kahalagahan ng pagdating sa testing venue sa araw ng pagsusulit nang hindi lalampas sa 6:30 a.m., o gaya ng tinukoy ng mga kaukulang CSC Regional o Field Offices.
Paalala pa ng opisyal, bawal ang late sa araw ng eksamen. Ang mga entrance gate ng testing venues ay isasara sa mga examinees sa ganap na 7:45 a.m.
Ayon sa CSC, mahigpit na ipapatupad ng CSE-PPT ang patakarang “No ID, No Exam”. Ang mga kukuha ng pagsusulit ay kinakailangang magpakita ng isang valid ID card sa araw ng pagsusulit, mas mabuti ang parehong ID card na ginamit sa proseso ng aplikasyon. Bukod pa rito, tanging mga itim na ballpen lamang ang pinahihintulutan na gamitin sa panahon ng eksamen.
Pinayuhan naman ang mga examinees na magsuot ng maayos na kasuotan, mas mainam na mga plain white shirt o tops, at gumamit ng transparent na bag sa araw ng pagsusulit. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot ng mga sleeveless shirt/blouse, shorts/short pants, tokong pants, ripped jeans, at tsinelas. Dapat ding nakatali ang mahabang buhok, habang opsyonal ang pagsusuot ng face mask.
Ayon pa sa CSC, limitado sa tatlong oras at 10 minuto ang CSE-PPT Professional Level para sa 170-item na pagsusulit, habang ang Subprofessional Level ay binibigyan ng dalawang oras at 40 minuto para sa 165-item na pagsusulit.
Ang kumpletong listahan ng mga paalala at alituntunin ay maaaring ma-access mula sa CSC website sa www.csc.gov.ph.
