HINDI lang ang pagbagsak ng presyo ng palay ang dapat tutukan ng gobyerno, ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, kasabay ng panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panghimasukan ang lumalalang krisis sa sugar industry.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Zubiri ang aniya’y pagsadsad mill gate price na mas mababa pa umano sa production cost.
Ayon kay Zubiri na tumatayong Senate Majority Leader, lubhang nakakabahala ang kalagayan ng mga magsasakang nagdurusa sa tumataas na halaga ng farm inputs.
Para kay Zubiri, magandang pambungad na tugon ng pamahalaan ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) na itigil muna ang paglabas ng sugar importation permits, subalit higit pa doon ang kailangan ng mga magsasaka.
Ang kailangan ng industriya — mas malakas na polisiya at direct intervention upang mapigilan ang patuloy na pagkalugi ng sugar farmers.
“They need more help beyond this pause on sugar imports, whether that is through capital infusion, or through a government buying program that will ensure stable income for our sugar farmers and workers, and equitable prices for consumers. We need a strong and decisive DA and SRA to stabilize the mill gate price of sugar,” ani Zubiri.
Mungkahi ng senador, gamitin ang Sugar Development Fund sa ilalim ng Sugar Industry Development Act, na magsisilbing suporta sa mga sakada partikular sa panahon ng marami ang nalulugi.
“We pour a billion pesos into the Sugar Development Fund every year, so I hope that this is reaching our farmers. Kapag ganitong nalulugi na ang mga magsasaka, dapat saluhin na sila ng SRA by providing better infrastructure, credit and research and development support. If we can maximize the use of the SDF now, we can even push for its increase, para mas maraming magsasaka pa ang matulungan natin,” ayon sa Bukidnon senator.
Masyado aniyang bumagsak ang mill gate prices ng asukal sa pagpasok ng sugar milling season noong Oktubre 2025, na bumagsak sa P2,200 kada 50 kilogram bag ng asukal sa huling bahagi ng nakalipas na taon tungo sa P2,075 sa huling linggo ng Disyembre.
Sa datos na ibinahagi ni Zubiri, lumalabas na malayo ang umiiral na mill gate price sa huling bahagi ng 2025 kumpara sa P2, 500 kada sako noong 2024 milling season.
“Grabe ang hirap na kinakaharap ng sugar farmers natin ngayon… napakamahal na nga ng farm input, palugi pa ang bentahan ng asukal,” ani Zubiri.
“What used to be P2,500 per bag of raw sugar is now down to P2,000 per bag, while the costs of labor, fertilizer and pesticides have been increasing,” giit niya.
“Napakabigat po ng P300 o P500 na lugi ng mga sugar farmers sa kada bag ng asukal. Paano po nila mapapakain ang kanilang mga pamilya, masasahuran ang kanilang mga manggagawa, at mapaghahandaan ang susunod na crop season kung wala silang kinita ngayong taon?”
Ayon sa Sugar Regulatory Administration, sa 88,000 sugar farmers, 84 percent ang meron lamang hindi hihigit sa limang ektaryang taniman.
“We cannot leave our farmers to deal with this crisis on their own. When tens and thousands of already marginalized farmers are operating at a loss, the government has to step in,” ani Zubiri.
“Nagpapasalamat tayo na itinigil na muna ng Department of Agriculture ang pagpasok ng imported sugar ngayong 2026, para naman magkaroon ng pagkakataon ang ating mga magsasaka na makapag benta sa mas makatarungang presyo.”
“Pero dahil may over-importation tayo ng asukal noong nakaraang taon, hindi talaga agad na makaka-recover ang ating sugar farmers,” pahabol ng senador. (ESTONG REYES)
