
SA kabila ng bahagyang pagbaba ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng dengue, dumami naman ang mga lokal na pamahalaan ng nagdeklara ng “dengue outbreak” sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon sa Department of Health (DOH), mananatili ang antas ng alerto ng kagawaran sa kahit pa bumaba ng limang porsyento ang mga kaso ng dengue sa bansa sa nakalipas na buwan.
Sa datos ng DOH, nasa 15,134 na lang ang naitalang kaso ng dengue simula Enero 19 hanggang Pebrero 5 kumpara sa 15,904 na naitala sa unang bahagi ng Enero.
Kabilang sa mga rehiyon na nakapagtala ng mataas ng bilang ng dengue cases ang Calabarzon, National Capital Region (NCR), at Central Luzon na una nang idineklara ng DOH bilang “dengue hotspots.”
Para sa DOH, malaking bentahe sa pagbaba na mga kaso ng dengue ang mas mataas na antas ng kamalayan ng publiko at sama-samang pagkilos laban sa sakit.
Mula Enero hanggang Pebrero 15, nasa 43,732 na mga kaso ang naitala ng DOH na mas mataas ng 56 porsyento kumpara sa 27,995 noong 2024.