
KASADO ang malawakang manhunt sa hindi pa natutukoy na salarin na naghagis ng granada sa pumapatrolyang sasakyan ng pulis sa bayan ng Kabacan sa lalawigan ng Cotabato.
Sa ulat ng lokal na pulisya, dalawa katao ang nasa kritikal na kondisyon sa insidenteng naganap sa Barangay Osias nitong nakalipas na Biyernes.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng patrol car ng lokal na pulisya ang highway sa Barangay Osias nang biglang sumambulat ang malakas na pagsabog na ikinasugat ng tindera ng chicken barbecue at isang tanod.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktimang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan bunsod ng shrapnel mula sa sumabog na granada.
Sa salaysay ng mga pulis na sakay ng patrol car, pabalik na sila sa himpilan ng Kabacan Municipal Police Station mula sa pagpapatrolya nang mangyari ang pagsabog.
Kwento naman ng mga saksi, isang lalaki ang naghagis ng granada. Mabilis na tumakas ang suspek.