PARA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), lubhang masama ang epekto ng mga reclamation projects sa Manila Bay, batay sa cumulative assessment ng mga eksperto.
Partikular na tinukoy ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang isang pag-aaral ng University of the Philippines Marine Research Institute at Marine Environment and Resources Foundation kung saan lumalabas na lubhang peligroso ang pwedeng idulot ng reclamation project hindi lang sa kalikasan kundi maging sa buhay at ari-arian ng mga residente ng Metro Manila.
Sa nasabing pag-aaral, natuklasan din aniya sa isinagawang cumulative impact assessment ang epekto ng proyekto – matinding pagbaha sa buong Metro Manila.
Bukod sa pagbaha, damay din umano ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Itinulak ng kagawaran ang pag-aaral ng mga eksperto alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2023.
“Ang findings talaga po ay maski anong gagawin na pagbabago sa physical environment sa Manila Bay, maapektuhan talaga number one ang circulation ng tubig, so that means not just the bay itself, but ang paglabas ng tubig not just from the inland, at pag-drainage po siya into the Manila Bay,” wika ni Yulo-Loyzaga.
Wala naman binanggit ang Kalihim kung kailan ipatutupad ang pagpapatigil sa mga kumpanyang binigyan ng pahintulot magtabon ng lupa sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng Pasay City.
