NANANATILING hamon ang seguridad sa loob ng mga pampublikong paaralan, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd).
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang School Safety Act, inamin ni DepEd Undersecretary for Governance and Operations Malcolm Garma na pito sa kada 10 pampublikong paaralan ang wala maski isang security guard.
“In terms of ratio, three out of 10 our schools have security guards – 31.7% or around 15,328 schools,” wika ni Garma sa pagdinig ng Senate committee on basic education na pinamumunuan ni Sen. Bam Aquino.
Aniya, ang pondo para sa security personnel ay kinukuha sa Maintenance and Other Operating Expenses ng DepEd gayundin mula sa local government units o kaya ay sa parent-teacher associations.
Bukod sa security guards, hamon din umano ang pagkakaroon ng CCTV camera sa loob ng campus. Katunayan aniya, apat lang sa kada 10 paaralan ang may CCTV cameras sa loob ng eskwela.
