TULAD ng inaasahan, tuluyan nang itinalaga sa mataas na pwesto sa Malacañang ang kaalyadong natalo noong nakaraang halalan.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro ang paghirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos bilang cabinet secretary.
Matapos ang anunsyo, agad din pinangasiwaan ni Marcos ang panunumpa ni Abalos.
Una nang umugong ang pangalan ni Abalos bilang kapalit ni DILG Secretary Jonvic Remulla dahil sa kabiguan madakip ang mga “high-profile fugitives” kabilang sina Senador Ronald Dela Rosa, gaming tycoon Atong Ang at si Gen. Gerald Bantag na pinaniniwalaang nasa likod ng pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid.
Sinisisi rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Remulla sa kabiguan makipag-ugnayan sa Interpol para naman sa ikadarakip ni former Ako Bicol Rep. Zaldy Co na itinuturong kasabwat ni dating House Speaker Martin Romualdez sa tinaguriang flood control scandal.
Samantala, kabilang sa magiging trabaho ni Abalos sa Malacañang ang tulungan ang Pangulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahon, mahalaga at estratehikong mga payo sa mga isyu sa bansa na nakakaapekto sa political landscape.
Magsisilbi rin si Abalos na tagapag-ugnay sa mga ahensya ng gobyerno, local government units, political organizations at iba pang mga sektor, tatayong pinuno ng Strategic Action and Response Office, at pangasiwaan ang iba pang mga tanggapan ng pamahalaan.
Bago ang paghirang kay Abalos, itinalaga ng Pangulo si former Senador Francis Tolentino bilang Labor Secretary. Kapwa talunan sina Abalos at Tolentino sa hinanap na 2025 senatorial election.
