TARGET ng pamahaIaan limitahan ang galaw ng mga personalidad na idinadawit sa pagpaslang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga.
Sa isang direktiba, inatasan ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang mga pasaporte ni dating PCSO general manager at retired police colonel Royina Garma.
Kabilang rin sa nakatakdang lusawin sa bisa ng kautusan ng husgado ang pasaporte ni dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo.
Kasabay ng naturang direktiba, naglabas na rin ng hold-departure order laban sa tatlong iba pa kabilang sina Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza, dating pulis Nelson Mariano, at Jeremy Causapin.
“As holders of valid Philippine Passports, there exists a serious risk that they will flee from the jurisdiction of the court to evade trial and punishment,” saad sa isang bahagi ng utos ng korte.
Hindi rin kinagat ng korte ang petisyon nina Garma at Leonardo na suspendihin ang mga pagdinig. Mananatili ang mga suspek sa ilalim ng kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Mendoza at Mariano.
Nakatakda sa Nobyembre 12 ang pre-trial conference sa naturang kaso.
Nahaharap si Garma sa mga kasong murder at frustrated murder dahil sa umano’y pag-utos sa pagpatay kay Barayuga noong 2020.
