ANG pagiging makabayan, hinuhulma sa mga silid-aralan, giit ng isang prominenteng lider sa lipunan, kasabay ng papuri sa araling isinusulong ng Department of Education (DepEd) sa mga eskwelahan sa buong kapuluan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang plano ng DepEd na isama sa kurikulum ng mga mag-aaral ang aralin tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Para kay Goitia, isang matalino at makabayang hakbang ang palakasin ang kamalayan sa mga kabataan.
“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam,” ani Goitia. “Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea, hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan.”
Kamakailan, namataan ang mga barko ng China na lumapit sa Pag-asa Island kung saan muling nagpamalas ng pagiging siga ang mga Tsino. Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), gumamit ng water cannon ang China Coast Guard sa mga sasakyang-dagat ng Pilipinas na naglalayag sa naturang bahagi ng karagatang pasok 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Buwan ng Hunyo ng nakaraang taon, ilang sundalong Pilipino naman ang nasugatan sa Second Thomas Shoal matapos sakyan at lusubin ng China Coast Guard — bagay na kinondena ng Estados Unidos, European Union, at iba pang bansa bilang malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Ilan lamang ito sa mga insidenteng nagpapakita ng patuloy na panggigipit at agresibong kilos ng China sa ating karagatan.
EDUKASYON BILANG DEPENSA
Para kay Goitia, ang silid-aralan ay isa ring linya ng depensa ng bansa. Aniya, ang maling impormasyon ay kasing delikado ng anumang banta mula sa labas.
“Nagpapakalat ang China ng mga kasinungalingan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pag-angkin sa ating karagatan. Dapat itong tapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katotohanan,” paliwanag niya. “Kapag alam ng mga estudyante ang tungkol sa 2016 Arbitral Ruling at sa ating Exclusive Economic Zone, magkakaroon sila ng totoong kaalaman at malasakit sa tunay na pag-aari ng sambayanang Pilipino.”
Idinagdag ni Goitia na hindi limitado ang usapin sa kasaysayan, kundi sa paghubog ng mga kabataang magmamalasakit sa bayan.
“Ang soberanya ay hindi lang salita,” aniya. “Ito ay kabuhayan ng ating mga mangingisda, likas na yaman ng bansa, at dangal ng bawat Pilipino.”
Binigyang-diin din niya ang pagbibigay ng suporta sa mga guro sa pamamagitan ng tamang kagamitan at pagsasanay.
“Ang mga guro natin ang kinakailangang mas may kaalaman dahil sila ang nakaumang sa harap ng laban na ito. Kailangan nila ng mga mapa, materyales, at tamang gabay — hindi lang mga leksyon kundi inspirasyon.”
KAISA SA KATOTOHANAN
Paalala ni Goitia, lubhang mapanganib ang kasinungalingan kapag paulit-ulit hanggang magmistulang totoo. Aniya, ang edukasyon ang pinakamabisang sandata laban dito sapagkat ito ang humuhubog ng kamalayan, mapanuring pag-iisip, at tibay ng loob ng kabataan.
“Kapag alam ng mga bata ang katotohanan, mas mahirap silang malinlang at mas madali silang magkaisa.”
Ayon pa sa kanya, ang hakbang ng DepEd ay higit pa sa pagbabago ng kurikulum; ito ay hakbang tungo sa mas matatag na pagkakakilanlan bilang isang bansa.
“Ang laban para sa ating karagatan ay hindi lang sa dagat,” pahayag ni Goitia. “Ito ay nagsisimula sa paghubog ng isip at puso ng kabataan sa loob ng silid-aralan.”
Iminungkahi rin niya na magkaroon ng debate, sanaysay, at mga malikhaing proyekto sa mga paaralan upang maging mas kawili-wili at kapaki-pakinabang ang pagtalakay sa WPS.
“Hindi sapat na makita ng mga bata ang West Philippine Sea sa mapa,” pahayag ni Goitia. “Dapat nila itong maramdaman sa mga kwento at awitin, sapagkat doon umuusbong ang tunay na diwa ng pagiging makabayan.”
BANTAY KATOTOHANAN
Ayon kay Goitia, ang hakbang ng DepEd ay tugma sa pagsisikap ng pamahalaan na paigtingin ang depensa sa karagatan.
“Habang binabantayan ng ating Coast Guard ang karagatan, ang ating mga guro naman ang magbabantay sa katotohanan,” aniya. “Pareho silang tagapagtanggol ng Republika.”
Sa pagtatapos, ibinahagi ni Goitia ang mensaheng sumasalamin sa kanyang matagal nang paninindigan:
“Dapat lumaki ang ating mga anak na alam na ang West Philippine Sea ay hindi lang karagatan sa mapa. Ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.”
Si Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
