
“HINDI ako pumirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil iniiwasan kong magkaroon ng bahid ang ating paghusga, lalo na’t may posibilidad na maging senator-judge tayo.”
Ito ang bungad na pahayag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa mga nagtatanong kung bakit hindi niya sinuportahan ang pagsusulong ng tinaguriang ‘super majority” sa Kamara de Representantes na pagsasakdal kay Vice President Sara Duterte.
“Ilang buwan na lang bago ang halalan at magkakaroon ng bagong grupo ng mga senador na sisiyasat sa mga ebidensya. Ito yung pinagtutuunan natin ng pansin sakaling maging senator-judge tayo—magbigay ng hatol batay sa mga ilalatag na ebidensya ng bawat panig,” wika ni Tulfo na nangunguna sa lahat ng political surveys kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo.
“Gayunpaman, habang wala pa sa pagkakataong iyon, patuloy tayo sa ating mga laban
para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino. Patuloy ang trabaho at pagiging kakampi ng inaapi,” pagtatapos ng ranking House official. (ROMEO ALLAN BUTUYAN)