HINDI obligasyon ang pagbabayad ng buwis kundi isang “investment” ng bawat Pilipino para sa mas maunlad na kinabukasan ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa paglulunsad ng 2025 National Tax Campaign, na may temang “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat,” kasabay ng panawagan para sa “transparency, accountability, and shared responsibility” para sa mas matibay na republika.
“Taxes are not just numbers on a balance sheet; they are investments in our shared future — in the kind of world we want to pass on to the next generation,” wika ni Commissioner Lumagui.
Sa nasabing okasyon, tampok din ang makasaysayang nakamit ng BIR sa ilalim ng pamumuno ni Lumagui, na pagpapatibay sa pangako ng kawanihan na kahusayan, pagsusulong ng digitalisasyon at mahigpit na pagpapatupad ng tungkulin at panuntunan.
Kabilang sa mahalagang tagumpay ng BIR ang paglikom ng P2.86 trillion noong 2024 – pinakamataas at kauna-unahan sa nakalipas na 20 taon.
Gayundin ang agresibong digital transformation campaign na kinabibilangan ng pagpapatupad ng Online Registration and Update System (ORUS), Digital TIN IDs, eONETT (electronic one-time transactions), at ang expanded eLounges para sa mas simpleng pagkakaloob ng taxpayer services.
Sa pamamagitan naman ng mahigpit at malawakang kampanya ng kawanihan laban sa tax fraud at illegal trade, nagawa ng makarekober ng P4.3 billion tax mula sa fake transactions at P110 million naman sa ilegal na pagbebenta ng cigarettes at vapes.
Nakuha rin ng BIR ang ISO certification para sa lahat ng regional at district offices, bilang pagtitiyak na standardized at transparency sa mga proseso para sa kapakinabangan ng mga taxpayers.
Bunsod nito, umani ng papuri mula mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang BIR kung saan binigyang diin ng punong ehekutibo na ang buwis na nakolekta ng kawanihan ay katumbas ng mas maraming benepisyo para sa taumbayan.
“In 2024, the Bureau collected more than P2.85 trillion, which is higher than the P2.52 trillion that we collected in 2023. Ano po ba ang ibig sabihin nito sa ating mga kababayan? Ang buwis na ating inihulog noong nakaraang taon ay katumbas ng lagpas na isang milyong bagong paaralan, 190,000 kilometro ng kalsada, o ‘di naman ay ang 167,000 rural health facility,” wika ng pangulo sa kanyang keynote speech.
Ayon kay Lumagui, bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng tax laws, layunin din ng BIR na baguhin ang pananaw ng publiko sa pagbubuwis — mula sa mistulang pagiging pabigat lamang ito ay maituring bilang daan tungo sa kaunlaran ng bansa.
“Taxation is not just about fulfilling civic duty. It is also about fairness and integrity; buwis na tapat speaks to the need for transparency and accountability in our tax system. It means that everyone, regardless of their status or background, should contribute their fair share to the nation’s development,” aniya pa.
Dagdag pa ni Lumagui na isa ring abogado, sa P3.23 trillion collection target para sa kasalukuyang taon, ang BIR ay determinadong ipagpatuloy ang magandang nagawa nito sa pamamagitan ng digital innovation, mahigpit na tax enforcement, at mas mahusay na taxpayer services.
“Together, let us ensure that the collection target of P3.23 trillion will be attained. Dahil ang bagong Pilipino ay nagbabayad ng buwis na tapat para sa tagumpay nating lahat. Mahalin natin ang Pilipinas, paunlarin natin ang ating bayan.”
