HUMARAP sa pagdinig ng House Quad Comm si Jed Pilapil Sy, asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy at may-ari ng isang property sa Dumoy, Davao City kung saan itinayo ang shabu laboratory kung saan nasamsam ang hindi bababa sa 100 kilo ng droga 20 taon na ang nakalipas.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, inilahad ang mga pangyayari bago ang misteryosong pagkawala ng kanyang asawa at ang kanyang naging pagkakakulong.
Ibinahagi ni Jed ang isang nakakatakot na serye ng mga pangyayari noong Disyembre 31, 2004, kabilang ang pakikipagtalo sa noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Kwento ng testigo, nagtungo sa kanilang bahay sa Davao City ang galit na galit na si Duterte at hinahanap ang kinaroroonan ng kanyang asawa.
“Noong araw din na yun, mga bandang 9:30 ng gabi, pinuntahan ako ni Mayor Duterte at hinahanap niya ang asawa ko sa aming bahay sa Arlene apartment kung saan kami umuupa. Tinanong ko si Mayor Duterte kung bakit niya hinahanap ang asawa ko, ang sabi lang niya ‘basta, galit na galit ako sa kanya,’” ayon kay Jed.
“Ako ay nagtataka at nagulat, at dahil dito tinanong ko si Mayor Duterte kung meron po bang kasalanan ang asawa ko sa kanya. Inulit lang ni Mayor Duterte na ‘basta, galit na galit ako sa kanya.’”
Aniya, pagkatapos ay binigyan siya ni Duterte ng magbabantay at binalaan siyang huwag lumabas ng bahay, ngunit hindi na niya dinugtungan pa ang kanyang mga sinabi.
Ilang oras pagkatapos ng pagbisita ni Duterte, nalaman ni Jed mula sa isang kaibigan na ni-raid ng mga awtoridad ang property nila sa Dumoy.
“Makalipas ang ilang oras, tumawag ang isa sa mga kaibigan ng asawa ko para sabihin sakin na ako daw ay manood ng telebisyon dahil na-raid daw ang Dumoy at nandoon ang asawa ko at may mga namatay,” saad ni Jed. “Noong pagkabukas ko ng telebisyon, napanood ko ang news tungkol sa Dumoy raid at may mga pinaslang.”
Ang raid sa Dumoy ang huling pagkakataon na di umano’y nakita si Allan Sy, na ayon kay Jed ay magpahanggang ngayon ay hindi niya malaman kung patay na o buhay pa ang kanyang asawa.
Si Jed, at kapatid nitong si Jong Pilapil, kasama ang iba pa ay inaresto kinabukasan at nahatulan ng hukuman ng habang buhay na pagkakakulong sa isang piitan sa Davao City.
Naninindigan si Jed na ang kanilang pagkakakulong ay base sa gawa-gawang ebidensya, subalit ito ay una nang kinatigan ng Mataas na Hukuman.
Ang sinumpaang salaysay ay nagbigay pa ng mga detalye na nag-uugnay kay Yang, at koneksyon sa mga negosyo ng pamilya Sy sa pamamagitan ng DCLA Plaza sa Davao City.
“Ang DCLA Plaza na pagmamay-ari ni Hong Ming ay naging display area namin ng foam,” saad nito, na tinutukoy si Yang sa kanyang tunay na pangalan sa Chinese na Hong Ming Yang.
Nang ipakita sa kanya ang larawan ni Yang, kinumpirma ni Jed na ang nasa larawan at sinabing yun nga ang malapit na kaibigan ng kanyang asawa.
Ang mga pahayag ni Jed ay tumutugma sa mga sinabi ng sinibak na opisyal na si Police Col. Eduardo Acierto, na inakusahan si Duterte ng pagtatanggol kay Yang at isa pang hinihinalang drug lord na si Allan Lim (alyas Lin Weixiong) mula sa pananagutan.
Una ng pinatotohanan ni Acierto sa kanyang pahayag na si Yang ang nagpapatakbo ng drug laboratories sa Mindanao, kabilang na ang Dumoy lab, simula pa taong 2000.
Sinabi ni Acierto sa mga mambabatas, “Si Michael Yang, na kilala rin sa alias na Dragon, ay malaki ang kinalaman sa paggawa at pamamahagi ng ilegal na droga,” batay sa intelligence report na nakalap noong 2017.
Sinabi din ni Acierto na nagbigay si Yang ng mga dokumento sa pagpapadala ng ilegal na droga na nasamsam sa isang raid noong 2005 sa Cagayan de Oro City.
Kasama rin aniya sa intelligence report ang isang detalyadong matrix na kanya umanong isinumite kay dating PNP Chief Ronald Dela Rosa, dating Philippine Drug Enforcement Agency Director Aaron Aquino, at Police Deputy Director General Camilo Cascolan.
Ang ulat ay ipinasa rin kay dating PNP chief Oscar Albayalde (na pumalit kay dela Rosa). Subalit, hindi umano pinansin ng noo’y hepe ng pambansang pulisya dahil sa kawalan ng kredibilidad ng mga operatiba sa likod ng intelligence report.
Inakusahan ni Acierto si Dela Rosa na inupuan lang ang kaso, sa halip na tugunan ang alegasyon, ay nakipagkita pa si Dela Rosa kay Allan Lim, na hinihinalang drug lord.
Kinaladkad din ni Acierto ang dating pangulo sa sindikato ng droga pagkatapos tukuyin noong Oktubre 2018 ang iba pang opisyal na konektado sa ilegal na kalakalan ng droga.
Noong 2019, nagtago si Acierto matapos masangkot sa smuggling ng P11 bilyong halaga ng droga na nakatago sa mga magnetic lifters na natagpuan sa Manila International Container Port at isang bodega sa Cavite.
Sa kanyang unang testimonya sa House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni Acierto na ipinag-utos ni Duterte na patayin siya, dahil sa kanyang mga imbestigasyon kay Yang at Lim. (Romeo Allan Butuyan II)
