SA hangaring wakasan ang sistematikong panloloko gamit ang makabagong teknolohiya, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsanib pwersa para wakasan ang illegal POGO sa bansa.
Sa joint National Peace and Order Council na ginanap sa Camp Crame, tuluyan na rin nagdeklara ng giyera kontra illegal POGO ang Pangulo.
Anang Pangulo sa PAOCC at CIDG, huwag tantanan ang operasyon hanggat may natitirang illegal POGO.
Hinikayat rin ni Marcos ang mga lokal na pulisya na makipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government para matukoy at tuluyang masugpo ang illegal POGO sa nasasakupan.
Kamakailan lang nang ihayag mismo ng Pangulo ang kanselasyon ng permit at lisensya ng POGO, gayundin ang tinaguriang internet gaming licensees.
“Hindi na kailanman papayagang manalasa ang mga ito. Sinumang magtatangka na magsagawa ng ilegal na operasyon ay haharap sa buong pwersa ng ating batas,” ani Marcos.
