
MATAPOS iwasan sagutin ang mga katanungan sa pagdinig ng quad committee ng Kamara, tuluyang na-cite in contempt ang dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa mosyon ni Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Paduano, hiniling sa komite na ipiit sa BAtasan Detention Center si former PDEA Director-General Wilkins Villanueva dahil sa umano’y pag-iwas kung hindi man pagsisinungaling sa pagdinig ng quad comm.
Nag-ugat contempt charge kay Villanueva sa pag-uusisa ni Paduano tungkol sa pagkakasangkot diumano ng former PDEA chief sa warrantless arrest ng isang Jed Pilapil Sy, asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy, matapos pasukin ang isang shabu laboratory sa Dumoy, Davao City noong 2004.
Base sa impormasyong nakalap ng quad comm, dawit sa operasyon ng nasabing shabu lab si former presidential economic adviser Michael Yang kung saan nakumpika sa operasyon ang higit sa 100 kilo ng high-grade shabu, na nagkakahalaga ng P300 milyon.
Subalit paulit-ulit na itinanggi ni Villanueva, na siyang PDEA regional director nang mangyari ang raid sa Dumoy, Davao City, ang pagkakasangkot ni Yang, kasabay ng giit na walang ebidensyang nag-uugnay sa huli sa operasyon ng sinalakay na shabu lab.
“You are lying! You are not respecting this committee!” gigil na tugon ni Paduano sa mga pahayag ng ex-PDEA head.
“Hindi ko po maalala na kinausap ko siya. Nasa opisina po siya ng PDEA,” ani Villanueva.
Dahil hindi kumbinsido sa sagot ni Villanueva, muling tinanong ni Paduano kung nagsisinungaling siya at muling tumugon si Villanueva ng katagang “hindi po.”
Dito na naghain ng mosyon si Paduano para sa kanyang contempt citation.
Inaprubahan ng komite, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang mosyon na nagsasabing nilabag ni Villanueva ang Seksyon 11(c) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Bilang parusa, inutos na ikulong si Villanueva sa pasilidad ng House of Representatives hanggang sa matapos ang mga pagdinig.
Gayunpaman, binago ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop ang mosyon, na nagtakda na ang contempt at detention order ay magiging epektibo lamang kapag nagpatuloy ang imbestigasyon ng Quad Comm sa Enero 13 ng susunod na taon.
Inaprubahan ng mega-panel ang inamyendahang mosyon bilang kabutihang loob “sa diwa ng Pasko.” (Romeo Allan Butuyan II)