Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TILA hindi nauubusan ng bulilyaso si former Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) general manager Royina Garma.
Sa pinakahuling pagdinig ng quad committee ng Kamara, isang panibagong pag-amin ang gumimbal sa mga kongresista – ang paggamit ni Garma ng tinatawag na diplomatic pouch para padalhan ng limpak-limpak na pera ang dating kabiyak na nasa Estados Unidos.
Ito’y matapos kumpirmahin ni former Philippine National Police (PNP) Chief, retired Gen. Benjamin Acorda Jr. na maaaring gamitin sa personal na pangangailangan ng mga police officers na nasa ibang bansa ang diplomatic pouch.
Nang tanungin si Acorda kung ano ang pagkakaiba ng diplomatic pouch sa ordinaryong padala, ipinaliwanag ng dating hepe ng pambansang pulisya na hindi na dumadaan sa customs inspection ang naturang parcel lalo pa’t pinapadala sa mga embahada.
Paniwala naman ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, angkop lang na isama sa pagsisiyasat ng quad comm ang naungkat na pagpapadala diumano ng milyong halaga ng pera ni Garma sa dating mister na si Col. Roland Vilela sa Amerika.
Ayon kay Acop na tumatayong overall vice-chairman ng quad comm, isang malaking palaisipan ang dahilan sa likod ng mga nabunyag na padalang pera ni Garma sa dating mister na noo’y nakatalaga bilang police attaché sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California.
Sa pagtatanong ng Antipolo solon, ipinaliwanag ni Acorda na may mga pagkakataon na kakailanganin ng dagdag na pera ng police attache at maaari itong idaan sa diplomatic pouch.
Gayunpaman, iwas-pusoy si Vilela nang tanungin ng nabanggit na kongresista kung may tinanggap na pera sa pamamagitan ng diplomatic pouch — bukod sa buwanang sahod.
“Iyong sahod ko po na dito, Your Honor” na ang tinutukoy ay ang P120,000 buwanang sweldo sa Pilipinas bukod pa sa $8,000 na kanyang kinikita bilang isang police attaché.
Sunod naman inusisa ni Acop si Police Captain Delfinito Anuba na inutusan umano ni Vilela para ipalit sa dolyares ang milyon-milyong pisong padala sa kanya mula sa Pilipinas.
Pag-amin ni Anuba, isang Sergeant Enecito Ubales Jr. ang nagbibigay ng pera (peso) upang ipapalit bilang dolyar. Katunayan aniya, siya mismo ang nagtutungo sa PCSO para kunin ang salaping ipapalit sa dolyar.
Aniya, dalawang beses umano siyang nautusan — una para ipalit ang P30 million at ang sumnod naman ay may halagang P20 million.
Hindi pa tukoy ng komite kung para saan ang perang ipinadala kay Vilela.
