
TULUYAN tinapos ni Justice Secretary Crispin Remulla ang palaisipan kung sino sa anim na nominado ang itatalaga sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa paglisan ni Secretary Benhur Abalos na kandidato bilang senador sa 2025 midterm election.
Ayon kay Remulla, nakatakdang manumpa ngayong araw sa Malakanyang si Cavite Gov. Jonvic Remulla.
“He’s scheduled to take an oath tomorrow. Tomorrow morning. In fact, I think he’s withdrawing from candidacy as we speak,” wika ni Remulla sa isang ambush interview.
Nagbitiw sa DILG si Abalos bago pa man naghain certificate of candidacy para tumakbong senador sa 2025 elections.
Para sa DOJ chief, malaking bentahe kung magkasundo ang mga Kalihim ng dalawang departamento — “The commitments can be made instantly because the two of us can always talk about what has to be done. There will be better coordination.”
Naniniwala rin si Remulla sa interes ng bayan ang isusulong ng kapatid na gobernador sa sandaling tuluyan nang maupo bilang DILG Secretary.
“Like minds, I think we only want the best for our country. We don’t have any other motives here,” aniya pa.
Kabilang aniya sa nakatakdang tutukan ng napipintong ugnayan ng DILG at DOJ ang ang pagbibigay ng sapat na kaalaman at wastong kasanayan sa hanay ng mga pulis at tagausig sa paghahain ng kaso para matiyak ang sentensya ng mga abusado.
“I think it will have a very good effect on the justice system, for example on the training of police and prosecutors. We will be able to accelerate the training.”