Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KAWALAN ng tinatawag na transparency at accountability ang nakikitang dahilan ng isang ranking House official sa patuloy na pagsadsad ng popularidad at tiwala ng masa kay Vice President Sara Duterte.
“Sa palagay natin, nagde-demand ng transparency at accountability ang taumbayan kay VP [Sara] sa gitna ng napakaraming tanong na hindi niya sinasagot o masagot,” pahayag ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City sa pinakahuling resulta ng survey.
Sa datos ng Stratbase, Inc. na nangasiwa sa survey na isinagawa noong Setyembre, dumapa sa 29% ang antas ng tiwala kay VP Sara – mula sa dating 45% na naitala ng pangalawang pangulo noong buwan ng Hulyo.
“Repleksyon ito kung anong klaseng lider ka kasi dapat iniingatan natin ang pondo ng bayan,” wika ng ranking House official.
Lumabas din sa nasabing survey na nasa 10% na lang ang ang bilang ng mga may “mataas na tiwala” sa bise-presidente, bunsod ng aniya’y patuloy na pag-iwas ni VP Sara harapin ang mga paratang kaugnay ng mga di umano’y irregularidad sa Office of the Vice President (OVP) at maging sa Department of Education (DepEd) sa panahon ng kanyang pamumuno.
Para kay Dalipe, ang nasungkit na antas ng tiwala ni VP Sara ay ang pinakamalaking pagbagsak sa ratings ng hanay ng mga elective officials ng pamahalaan.
Pinakamalaki ang bilang ng nawalan ng tiwala kay VP Sara mula sa Luzon (hindi kasali ang Metro Manila) kung pumalo lang sa 11% ang trust rating (mula sa 36% noong Hunyo) ng naturang opisyal.
Sa Metro Manila, 13% na lang din aniya ang may tiwala sa pangalawang pangulo — malayo sa 34% na naitala noong Hunyo.
Naitala naman ang 15% na pagbagsak sa Visayas, habang ang kanyang trust ratings sa Mindanao ay bahagyang tumaas ng 4%. Ang survey ay mayroong margin of error na ±3%.
