
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG pagbabatayan ang umiiral na panuntunan sa sistema ng gobyerno, maaaring ipagharap ng kasong plunder o pandarambong ang dalawang special disbursing officer (SDO) ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggamit ng confidential funds na inilaan ng Kongreso.
“If this was taken for personal gain, ‘if it was proven fictitious and erroneous yung ARs (acknowledgement receipts) to justify the taking of this amount, that could be malversation proper or worse, plunder kasi lampas na po ito sa P50 million,” ayon kay 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez sa isinagawang media briefing.
Sa nakaraang pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, lumabas na ang mga milyong-milyong pondo ay ipinasa nina bonded SDO Gina Acosta, ng Office of the Vice President (OVP) at Eduard Fajarda, dating nasa Department of Education, sa mga security officers sa halip na maayos na pamahalaan ito.
Pag-amin pa nina Acosta at Fajarda, ipinasa nila ang confidential funds kina Col. Raymund Dante Lachica na tumatayong commander ng Vice Presidential Security and Protection Group at DepEd designated security officer Col. Dennis Nolasco alinsunod sa direktiba sa kanila ni Duterte.
Paliwanag ni Gutierrez, ang pagpapasa ng confidential funds sa mga security officer mula sa labas ng ahensya ay hindi lamang paglabag sa mga patakaran ng proseso kundi nagbukas din ng malalaking puwang sa pananagutan.
“What have been delegated cannot be delegated further. ‘Yung bonded officer dito, yung SDO, dapat siya yung responsible. Ngunit pinasa pa po sa security officer na cannot even account to us now,” ayon pa sa mambabatas.
Ikinabahala naman ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, ang posibleng pananagutan ng mga SDO, na silang responsable sa pagbabayad gamit ang confidential fund.
“Sa kanila inihabilin ‘yung pera at sila ‘yung bonded officer. Ang ibig sabihin po ‘non, in the event na may mangyari ‘dun sa pera, sila po ‘yung mag-reimburse. Pero ang pinag-uusapan natin dito ay hindi ordinaryong pera. We’re talking here of P612.5 million,” ang sabi ni Chua.
Binigyan-diin ng House panel chair na ang pagkakatiwala ng mga pondo sa mga hindi awtorisadong tao, kabilang ang mga security personnel, ay malinaw na paglabag sa mga protokol.
Binanggit din ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon ang mga iregularidad sa proseso ng disbursement.
“Makikita natin na may malinaw na paglabag sa Joint Memorandum Circular – 2015 dahil ang accountable officer doon ay ang SDO,” diin ni Bongalon.
“Hindi nga iyon ang accountable officer, so doon pa lang malinaw na meron pong paglabag (sa batas),” dagdag pa niya.
Kinondena ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang aniya’y nakasanayang irregularidad.
“They all know the irregularities na ginawa nila, inamin naman nila lahat ‘yun,” giit ni Ortega.
“Because they were too comfortable sa set up na yun, parang wala na lang, hindi na sinusunod ‘yung protocols nila. I wouldn’t be surprised if hindi lang sa security binibigay ‘yan, baka kung sino-sino pa or driver na lang,” dagdag pa ng kongresista.
Itinuro naman ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun si Duterte bilang siyang may pinakamalaking pananagutan sa mga aksyon na ito.
“Nakikita natin na lahat sila ay sumusunod lamang sa utos ng ating bise presidente. Kung may makitang kailangan may managot, kailangan akuin ng ating bise presidente ang pananagutan dito sa pagkukulang,” ayon kay Khonghun.
Nanawagan din ang mga mambabatas sa pagkakaroon ng reporma upang higpitan ang mga regulasyon ukol sa confidential funds — kalakip ang probisyon sa tinatawag na accountability.
“We might push for legislation to really set the bounds and limitations ng mga SDOs natin and siguro stronger penalties for that responsibility,” ayon kay Gutierrez, na binigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahigpit na mga mekanismo ng pangangasiwa.